Reaksyong Papel tungkol sa kwentong, "Minsan May Isang Doktor"



     Minsan sa ating buhay ay masasabi natin na mas matalim pa ang mga masasakit na salita ng isang tao kaysa sa isang patalim. Ang kwentong aming nabasa na pinamagatang "Minsan May Isang Doktor" na isinalin ni Ronaldo A. Bernales ay isang mahusay, mapanakit at nakakapagbigay-aral na istorya. Kwentong tatatak sa ating puso't isipan na kailanman hindi natin malilimutan. Ito ay hamak na istorya lamang pero ang aral at hinuhang ibibigay nito sa atin ay parati nating maaalala sa ating pang-araw-araw na buhay.

     Hindi talaga maiiwasan sa ating buhay na kung saan ay makakasalamuha natin ang isang taong makasarili, mapanakit at mapanghusga sa kanyang kapwa. Ito ang nangyari sa ating pangunahing tauhan na sa gitna ng kanyang mga sakripisyo
ay mayroong pa ding taong hindi kayang umunawa at magpahalaga. Kung babasahing maigi ang kwento ay masasabi nating napakabuti ng ating bida. Dahil nakakaya niyang manahimik na lamang sa mga sinabi ng lalaki sa kanya. Kong ating susuriing mabuti at ilagay ang ating sarili sa sitwasyon niya ay hindi siguro tayo mananahimik lamang ng ganun-ganun. Tayo ay marahil magpapadala sa ating damdamin pero hindi ganoon ang doktor sa kwento. Kumbaga idinaan niya ito sa maayos na paraan na kung saan inilahad niya ang kanyang opinyon ng maayos at hindi siya nagalit sa lalaki. Pero hindi natin maikakaila na ang ginawa ng lalaki sa kwento ay hindi talaga tama. Alam nating iniisip niya lamang ang kapakanan ng kanyang anak. Ngunit hindi sana dapat ganoon ang kanyang ugali sa taong nagligtas ng buhay nito. Sana kahit maliit na respeto man lamang ay naibigay niya sa doktor at hindi siya nagpadalus-dalos sa kanyang mga aksyon. Ang sakit talagang isipin na kung sino pa yung taong tutulong sa atin ay siya pa ang ating sisisihin.

     Matinding lungkot ang dinanas ng doktor, pero hindi niya iyon hinayaang humadlang sa kanyang trabaho. Kaya bigyan nating inspirasyon ang ginawa ng doktor. Sa gitna ng ating mga pagsubok sa buhay ay hindi dapat ang ating damdamin ang humusga sa ating sarili. Isapuso rin na dapat isaalang-alang natin ang damdamin ng ibang tao dahil hindi natin alam kong gaano kabigat ang kanilang dinadala sa buhay. Marahil ay magkamali man tayo minsan kagaya ng lalaki sa kwento pero huwag natin itong gawing mali lamang. Kumbaga gawin natin itong aral sa ating buhay na hindi kailanman natin makakalimutan.

     Ang pamagat ng kwentong ito ay "Minsan May Isang Doktor" na isinalin ni Ronaldo A. Bernales. ( Bernales, et.al., pp.23-24).